Mahigit sa 100 ektarya ng palaisdaan sa Obando, Bulacan, apektado ng fish kill

(Eagle News) — Apektado ngayon ng fish kill ang mahigit sa isandaang ektarya ng palaisdaan sa Obando, Bulacan.

Ayon kay Wilfredo Perez, direktor ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Central Luzon, mahigit dalawandaang metriko tonelada ng mga bangus, tilapia, at iba pang uring isda ang namatay.

Nagsimulang umanong mapansin ng mga fish pen operator ang pagkamatay ng mga isda noong Sabado.
Paliwanag ng BFAR, sobrang init at pagbaba ng dissolved oxygen ang dahilan ng fish kill.

Dapat umano ay 32 degrees centigrade lamang ang init sa palaisdaan, pero pumalo ito ng 40 degrees.
Isa pa umanong dahilan ng fish kill, ayon sa mga residente ay ang naramdamang intensity 3 na lindol noong Sabado.

Ayon sa isang may-ari ng palaisdaan sa Barangay Pag-asa na si Rolly Alcantara, nung lumindol ay napansin nila na sumama ang kondisyon ng tubig dahil sa umangat ang burak sa ilalim kaya kinapos ng oxygen ang mga isda.

Malaki umano ang malulugi sa kanila lalo at isa hanggang dalawang linggo nalang ang kanilang hihintayin bago i-harvest ang mga isda.

Samantala, kumuha na ng water sample ang BFAR para suriin ang insidente.

Sa kasalukuyan ay nililinis na ang mga palaisdaan, bago maka-apekto sa kalusugan ng mga mamamayan sa paligid.Cedelyn Cabanilla