Mahigit sa 100 bahay, nasunog sa Obando, Bulacan

Ni Earlo Bringas
Eagle News Service

(Eagle News) — Tinupok ng apoy ang mahigit sa isandaang bahay sa Barangay Paliwas Obando, Bulacan.

Nagsimula ang sunog mag aalas-diyes kagabi at kaagad itong inakyat sa ikatlong alarma.

Mabilis na kumalat ang apoy sa lugar dahil karamihan sa mga bahay ay gawa lamang sa light materials.

Aabot sa isangdaan at dalawampu’t pitong (127) pamilya ang nawalan ng bahay dahil sa sunog.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa isang tahanan hanggang sa kumalat na ito sa mga karatig na bahay na ang sinasabing dahilan ay napabayaang kandila.

Marami sa mga residente ay wala nang naisalbang kagamitan maliban sa kanilang mga suot na damit.

Isa si Mang Rodel sa nawalan ng bahay dahil sa nangyaring sunog at walang naisalbang kagamitan. Ang masaklap pa aniya ay pati ang pang tuition fee sana ng kanyang anak sa susunod na pasukan nakasama din sa naabo.

Umabot na ng 12:30 ng madaling araw (Lunes, Enero 14) nang maideklarang fire-out ang sunog sa lugar.

Wala namang napaulat na nasaktan sa nasabing insidente.

Samantala sa mga itinalagang evacuation centers naman pansamantalang tumutuloy ang mga nasunugang residente.