Mahigit pitong libo katao, lumahok sa EBC Family Fun Run sa Philippine Arena

(Eagle News) – Nasa mahigit pitong libo katao ang lumahok sa isinagawang family fun run na inorganisa ng Eagle Broadcasting Corporation na ginanap sa Philippine Arena sa Ciudad de Victoria, Bocaue, Bulacan.

Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-limampung taong anibersaryo ng Eagle Broadcasting Corporation.

Bago simulan ang fun run ay nagsagawa muna ng zumba para sa mga participant.

Isa sa mga lumahok ang 75 anyos na si aling Erlinda na mula sa Caloocan. Nais aniya niyang mapalakas pa ang kaniyang katawan kaya naman maaga pa lamang ay naroon na siya.

Samantala, fun run rin ang naging bonding ng 67 anyos na si Peter Beltran at ng kaniyang asong si Pepper.

Lumahok rin sa nasabing fun run si dating MMDA chairman at ngayon’y Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino at nagpaabot ng pagbati sa anibersaryo ng EBC. (Eagle News Service Meanne Corvera)