Mahigit 6,000 estudyante, mga guro sa San Jose City, Nueva Ecija sumailalim sa CPR training

Mga guro at estudyante sa San Jose City National High School  sa Nueva Ecija na  lumahok sa Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) training na pinangunahan ng Philippine Heart Association (PHA). (Photo by Ella Aiza D. Reyes)

SAN JOSE CITY, Nueva Ecija (Eagle News) – Mahigit 6,000 na mga estudyante at mga guro sa San Jose City National High School sa Nueva Ecija ang lumahok sa Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) training na pinangunahan ng Philippine Heart Association (PHA), National at Central Luzon Chapter kahapon.

Ang mga kalahok ay aktibong nagsanay ng CPR sa pangunguna ng mga cardiologist at emergency medical technician na mula sa Maynila at Central Luzon, na nagsilbing training facilitator.

Tig 100 estudyante ang nakalinya kasama ang mga guro sa pagsasagawa CPR sa training manikins kung saan bago ito ay nagkaroon muna ng isang presentation na pinangunahan ni Dr. Francis Lavapie na ipinakita ang tamang proseso ng CPR.

Nagsilbi namang mga marshal at nag-assist sa aktibidad na ito ang buong puwersa ng San Jose City National High School faculty and staff sa pangunguna nina junior high principal Aldrin Baloc at senior high principal Nenita Martin, katuwang ang ilang NGO members.

Layunin at adbokasiya ng PHA sa paglulunsad ng aktibidad na ito na maturuan at ma-empower ang bawat guro at estudyante sa junior at senior high school na maging CPR ready at ituring na mga heart hero sa pamamagitan ng pagsasalba ng buhay lalo na sa mga biktima ng cardiac arrest at pagkalunod.

Hangad din ng PHA na maging CPR ready ang bansa sa taong 2021. ( Ella Aiza D. Reyes, Eagle News Correspondent)