Mahigit 12,000 nasa evacuation centers ng Isabela dahil sa bagyong Rosita

(Eagle News) — Nasa 3,971 pamilya o 12,748 total evacuees na ang nasa iba’t ibang evacuation centers sa buong lalawigan ng Isabela matapos ang naging pag landfall ng bagyong Rosita sa lalawigan.

Ito ay ayon sa impormasyon na ipinadala ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela bandang 11 ng umaga nitong Martes, Oktubre 30.

Sa ngayon ay nakatuon na ang atensyon ng local government units sa pagbibigay ng mga makakain sa mga nasa evacuation centers.

Bagamat nakaalis na sa bahagi ng Isabela ang bagyo at kasalukuyang binabaybay nito ang lalawigan ng Benguet, patuloy namang nakamonitor ang mga otoridad sa pag-apaw mga ilog dahil sa patuloy na buhos ng ulan.

Pinapayuhan ang mga nasa malapit sa ilog na gawin ang nararapat na pag-iingat at kung maaari ay lumayo sila sa mga ilog at magpunta sa mataas at ligtas na lugar.

Samantala, sa naging pananalasa ng bagyong Rosita sa lalawigan ay wala namang naitala na zero casualty ang mga otoridad.

Sa ngayon ay kinakalap pa ang mga report mula sa mga bayan at lungsod sa naging pinsala ng bagyong Rosita.

(Photos and details courtesy of Eagle News Isabela Bureau Ricky Laggui)