Lingap sa Mamamayan isinagawa ng Iglesia Ni Cristo sa Dagupan City

(Eagle News) — Isinagawa ng Iglesia Ni Cristo sa lalawigan ng Pangasinan ang paglingap sa mga kaanib at hindi kaanib na naapektuhan dahil sa hagupit ng bagyong Ompong.

Limang libong relief packs ang naipamahagi sa mga naapektuhan ng pagbaha sa Central Pangasinan.

Ang lingap ay isinagawa sa compound ng Iglesia Ni Cristo na matatagpuan sa Rizal Extension, Dagupan City nitong Lunes ng hapon, Setyembre 17.

Nagmula sa iba’t-ibang mga bayan sa Central Pangasinan ang mga dumating na mga kapatid at mga hindi kapatid na napagkalooban ng relief packs.

Ayon kay kapatid na Eugene Cortez II, Tagapangasiwa ng Distrito, layunin ng Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo ang Kapatid na Eduardo V. Manalo sa pakikipagtulungan ng Felix Y. Manalo Foundation na agad na matulungan ang mga nasalanta ng bagyo.

Pinangunahan ng kapatid na Cortez ang mga ministro, manggagawa at mga church officer sa maayos na pamamahagi ng lingap.

(Photos and details by Eagle News Correspondent Nora Dominguez)