Lalawigan ng Albay isinailalim na sa state of calamity dahil sa aktibidad ng Bulkang Mayon

LEGASPI, Albay (Eagle News) — Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng buong Albay dahil sa patuloy na paglalabas ng mga pyroclastic material ng Bulkang Mayon.

Ayon kay Albay Governor Al Francis Bitchara, gagamitin ng pamahalaang panlalawigan ang 65 million pesos na calamity fund sa pagbili ng mga kinakailangang pagkain at gamot para sa mga direktang maaapektuhan sa pag-aalburuto ng bulkan.

Sa kasalukuyan, mahigit sa 25,000 katao na ang nasa iba’t ibang mga evacuation center sa lalawigan.

Tiniyak rin ng opisyal na nasa maayos na kalagayan ang mga evacuee para maiwasan ang pagkakasakit ng mga ito.

Bagaman nananatili sa Alert Level Number 3, ipinag-utos na rin ni Bitchara ang paglalagay ng checkpoints para pakiusapan ang mga tao na manatili sa labas ng seven kilometers danger zone.

Base sa pinakahuling impormasyong mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, ang mga bayan ng Daraga at Camalig ang inaasahang mas maaapektuhan ng aktibidad ng bulkan.