Lalaking nawawala sa kasagsagan ng Taal eruption, natagpuang patay sa Volcano Island

 

Ni Ghadzs Rodelas
Eagle News Service Batangas correspondent

SAN NICOLAS, Batangas (Eagle News) — Natagpuan na ngayong Sabado, Pebrero 15, ang isa sa dalawang lalaki na napaulat na nawawala sa kasagsagan ng pagputok ng Taal Volcano sa mismong Volcano Island na sakop ng Brgy. Alas-as, San Nicolas, Batangas.

Nakadapa sa bangka nang matagpuang wala nang buhay si Marlon Deteral, 26 anyos at residente ng nasabing lugar.

Ayon sa ina ng biktima, si Marilyn Deteral, dumadalo umano noon sa kasalan si Marlon at ang kanilang mga kapitbahay nang magsimulang pumutok ang bulkan noong Enero 12. Kanya-kanya umano ang mga itong nagtakbuhan sa pinakamalapit na bangka at nagkahiwa-hiwalay.

Nalaman din ni Marilyn na sinubukan ng anak na balikan silang mga magulang sa kanilang bahay, ngunit nakaalis na sila noon.  Dahil dito hindi na sumabay si Marlon sa mga kasamang lumikas sa kasagsagan ng pagputok ng bulkan

“Umuwi daw si Marlon sa bahay at hinahanap kami. Sa oras na iyon ay wala na kami doon,” sabi po ng ina ni Marlon.

“Ayaw pang sumabay (sa mga nag-evacuate) at titingnan pa raw kami. Sinabihan raw siya noon na ‘wala na ang mga magulang mo dyan Marlon, sumabay ka na’,” ayon po sa ina ni Marlon na si Marilyn, batay sa kuwento ng mga kasamahan noon ng binata.

Laking hinagpis ng inang si Marilyn, at kapatid nitong si Bernadette, nang matagpuan na nga ang bangkay ng binata ngayong Sabado.

Nakita ang bangkay ni Marlon na natabunan na ng isa’t kalahating metro ng abo sa Taal Volcano island, malapit sa isang bangka.  Binalikan ng may-ari ang naiwang bangka sa isla, at natagpuan nga ang bangkay ni Marlon, na nakadapa at nabaon ng abo, kasama ng bangka.

Inilibing din si Marlon ngayong Sabado, Pebrero 15, na siyang kaarawan rin ng binata.