Kakaibang feed mill machine, naimbento ng isang Pinoy sa Gloria, Mindoro Oriental




 

by Mario Florencondia
Eagle News Correspondent

GLORIA, Mindoro Oriental – Kinikilala at sinusuportahan ngayon ng Department of Science and Technology (DOST), ang kakaibang feed mill machine na naimbento ng isang livestock farmer sa Gloria, Mindoro Oriental.

Ang  mill machine na ito, na ginawa ni G. Nelson Diona, ay pawang push button ang operasyon at may limang function, na nagpro-produce ng 60 sako kada oras ng malinis na pagkain para sa hayop mula sa mais.

Ayon kay G. Jesse M. Pine, Provincial Science and Technology Director ng Oriental Mindoro, ang nasabing feed mill ay kakaiba sapagkat “mas mabilis ang paggiling, at  mas efficient ang paghahalo ng mga ingredients” sa paglikha ng feeds ng hayop, kumpara sa ibang mill machines.

“Kasi kahit maliliit na gramo, sa napakalaking volume ng kabuuang ingredients na inilalagay, uniformly, ay nai-incorporate niya ito don sa kabuuang feeds,” pahayag ni G. Pine.

Mula pa sa pagkabata ay kinahiligan na aniya ni G. Diona ang magkutingting ng mga maliliit na mga bagay katulad ng pagkakabit ng bakal o wire para ito ay gawing kakaibang gamit at hanggang sa paglaki ay nadala niya ang talent sa paglikha ng mga  bagay na kakaiba.

Aniya, nang pumasok siya sa pag-aalaga ng mga hayop katulad ng baka, baboy, at manok at dala na rin ng mataas o mahal na halaga ng pagkain para sa hayop, ay naisipan niyang gumawa ng makinang ito.

“ Maraming mga farmer…’yong mga nagsisimula, napakabigat din talaga, kung wala tayong sariling mga machine na panggawa ng feeds,” sabi pa niya.

Ayon sa kaniya, nakahanda siya na mai-share at maitulong ang kaniyang kaalaman sa mga nagnanais na magkaroon ng katulad ng feed mill na kaniyang naimbento.

Naging posible ang paggawa niya ng ganitong makinarya sa tulong na rin ng DOST Regional Office na nagbigay ng tulong pinansyal na P1.8-M para sa kaniyang proyekto. Ayon kay Dir. Pine, ang ahensya ay magpapahiram pa ng P3-M sa kaniya para para sa paggawa ng mas malaking machine na kayang mag-produce ng 120 sako ng feeds kada oras.

Dagdag pa ni Pine, tutulungan ng DOST si G. Diona na maparehistro sa intellectual property right ang  kaniyang imbensyon para pakinabangan pa ng sambayanang Pilipino lalo na ng mga nagnanais gumamit ng makina para sa paggawa ng mura at de-kalidad na uri ng pagkain para sa mga alagang hayop.

Umaasa naman ang DOST na tatangkilin ng marami ang ganitong uri ng imbensyon  na nagbibigay ng ginhawa at mataas ng kalidad na produktong gawa ng pinoy.