Justice Now Movement, gumawa na ng letter of appeal para kay Duterte

(Eagle News) — Nakagawa na ng letter of appeal para kay incoming president Rodrigo Duterte ang grupong Justice Now Movement na binubuo ng pamilya ng mga biktima ng Maguindanao Massacre.

Nakasaad sa naturang sulat na hinihiling ng grupo na pag-aralang maigi ni Duterte ang background ni Atty. Salvador Panelo bilang magiging presidential spokesperson dahil sa posible anilang impluwensya nito sa Maguindanao Massacre Case.

Matatandaang naging legal counsel si Panelo ng mga Ampatuan na pamilyang pangunahing suspek sa brutal na pamamaslang sa mga biktima ng masaker.

Bagaman nag-resign na bilang abogado ng mga Ampatuan, may pangamba pa rin ang pamilya ng mga biktima.

Ayon sa presidente ng naturang grupo, sila mismo ang tuwirang mag-aabot ng naturang liham kay Duterte.