Isang sundalo patay, 2 pa sugatan sa pananambang sa Basilan

BADJA, Basilan (Eagle News) — Patay ang isang sundalo habang sugatan ang dalawa niyang kasama matapos silang tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan.

Ayon sa hepe ng Tipo-Tipo Police na si Senior Inspector Mujahid Mujahid, nagsagawa ng route security ang mga sundalo ng 74th Infantry Battalion nang bigla silang tambangan ng mga bandido kahapon.

Naganap aniya ito sa Sitio Baunodagaw sa Barangay Badja sa kanilang bayan, alas-sais ng umaga.

Ayon pa kay Mujahid, nagsagawa ng route security ang mga sundalo dahil sa mga ulat ng umano’y pagtatanim ng improvised explosive device sa nasabing lugar.

Dito na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga armadong grupo kung saan nasawi ang sundalo na nagtamo ng matinding sugat sa kaniyang tiyan.

Ang isang sundalo naman ay tinamaan sa kaliwang bahagi ng kaniyang kamay, at ang isa naman sa kaniyang baba.

Matapos ang engkwentro ay agad namang tumakas ang mga bandidong grupo na hinihinalang nagkaroon din ng mga casualty.