Isang bahagi ng El Nido Municipal Hall, nasunog

EL NIDO, Palawan (Eagle News) – Nasunog ang isang bahagi ng munisipyo ng El Nido, Palawan noong Martes ng gabi, July 11.

Ayon sa mga guard on duty na sina June Ebangelyo at Brit Acot, bigla na lamang silang nakakita ng usok na lumalabas mula sa bahagi ng treasury department bandang 11:30 ng gabi.

Nang kanila itong alamin ay nakumpirmang nasunog ang bahaging iyon ng opisina, kung kaya dali-dali nila itong sinubukang apulahin sa tulong ng ilang residenteng nakakita at mga rumespondeng kapulisan.

Agad namang napatay ang apoy bago pa man tuluyang kumalat ito sa iba pang bahagi ng opisina.

Ayon sa mga nakapanayam na guwardya, maaring nagmula sa mga ginamit na computer na hindi nabunot ang naging sanhi ng sunog.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang tunay na dahilan ng sunog at kung gaano kalaki ang naging pinsala nito.

Anne Ramos at Wilvic Dante – Eagle News Correspondent, Palawan