Isang aso sa Cebu City sumakay ng jeep para hanapin ang kaniyang amo

(Eagle News) — Viral ngayon ang video ng isang aso na sumakay sa jeep para hanapin ang kaniyang amo.

Ayon sa netizen, habang isang lalaki ang sumakay sa jeep ay mayroon biglang sumakay na isang aso.

Tila hindi mapakali ang aso habang nakadungaw sa labas ng sasakyan.

At, nakakabilib ang sumunod na nangyari dahil matapos huminto ang jeep sa stoplight, sakto namang huminto rin ang isa pang sasakyan kung saan nakasakay ang amo ng aso.

Sa gulat ng amo nito ay napababa ito sa sinasakyang jeep.

Makikita sa video na tuwang-tuwa ang aso pagkakita sa kaniyang amo, agad namang kinuha siya ng kaniyang amo.

Maraming mga kababayan naman natin ang natuwa dahil bukod sa napabilib sila sa pangyayari ay ipinakita ang tapat na pagmamahal ng aso sa kaniyang amo. (Eagle News Service Cess Alvarez)