Isabela naghahanda na sa pananalasa ng Bagyong Rosita; klase sa lahat ng antas suspendido na mula Oktubre 29-31

Executive Order copy courtesy of  the provincial government of Isabela

(Eagle News) — Naglabas na ng Executive Order ang Provincial Government ng Isabela para sa suspensyon ng klase sa lahat ng antas, pribado at pampubliko mula Lunes hanggang Miyerkules, Oktubre 29-31.

Kasama ring sinuspinde ang trabaho sa lahat ng opisina mapapribado o pampubliko, maliban sa mga tanggapan na magsisilbi sa rescue operation at emergencies.

Ayon sa nasabing order ay layon nito na maging ligtas ang mga batang mag-aaral sa maging epekto ng paparating na bagyo at makapaghanda ang mga residente.

Sa lungsod naman ng Ilagan, Isabela, pinaghahanda ngayon ng City DRRM office at ng tanggapan ng Punong Lungsod ang lahat sa posibleng pagdaan ng bagyong Rosita sa lalawigan.

Sa bagong labas na abiso kasi ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) inaasahan ang paglandfall ng bagyo sa Isabela-Cagayan area, Martes ng umaga, Oktubre 30.

Pinaaalalahanan ni Mayor Diaz ang mga Ilagueno lalung-lalo na ang mga nakatira malapit sa mga ilog at mabababang lugar.

Ayon sa punong lungsod, kailangang nakatutok sa mga abiso para sa paglikas upang hindi maapektuhan ng biglaang pagtaas ng tubig dulot ng bagyong Rosita.

Inatasan din ni Mayor Diaz ang mga ahensya o departamentong may kaugnayan sa paghahanda at paglilikas na kumilos na at gawin ang nararapat na aksyon upang maging zero casualty pa rin sa ganitong mga kalamidad.

Sa ngayon ay hindi pa ganap na nararamdaman ang epekto ng bagyo ngunit sa mga susunod na mga oras ay maaaring magdudulot na ito ng mga pag-ulan at malakas na hangin sa bahaging ito ng luzon, ayon na rin sa PAGASA.

(Eagle News Isabela Correspondent Ricky Laggui)