Ilang bayan sa N. Ecija, Pampanga, makakaranas ng 12 oras na power interruption bukas

(Eagle News) — Pansamantalang mawawalan ng supply ng kuryente sa Miyerkules, Hulyo 19, sa ilang bayan sa Nueva Ecija at Pampanga.

Ayon sa pangasiwaan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at Nueva Ecija Electric Cooperative -1 (NEECO 1), ang power interruption ay magsisimula ng alas 6:00 ng umaga at matatapos ng alas 6:00 ng gabi.

Ang mga apektadong lugar ay ang Gapan City, bayan ng San Isidro, San Antonio, Cabiao, Jaen, Brgy. Batitang sa bayan ng Zaragoza, Nueva Ecija, at Brgy. Tagulod sa Candaba, Pampanga.

Magaganap ang nasabing power interruption  dahil sa gagawing repair at maintenance ng mga linya ng kuryente sa mga nabanggit na apektadong lugar.

Pinapayuhan ang mga mamamayan na nasa mga dakong apektado na maghanda na ng magagamit na ilaw para sa mga oras na nabanggit.

Nangako naman ang pamunuan na agad nilang ibabalik ang supply ng kuryente.