Ilang bahagi ng Masbate at Bohol binaha dahil sa mga pag-ulang dala ng LPA

(Eagle News) — Lubog sa baha ang ilang lugar sa mga lalawigan ng Masbate at Bohol dahil sa walang-tigil na pag-ulan na dala ng isang low pressure area (LPA).

May bantang peligro naman ang dala ng mga pag-ulan dahil sa LPA dahil sa lakas ng agos ng tubig-baha sa Dimasalang, Masbate.

Nabatid na pinasok ng tubig ang Municipal Agriculture Office at lubog sa baha ang Barangay Canomay, Poblacion, Gaid at G. Aliño.

Samantala, lubog din sa tubig ang Barangay Lobogon at Guinsularan sa Duero, Bohol.

Ayon sa kagawad na si Jeffrey Peligro, walang-tigil ang ulan na kanilang naranasan mula pa lamang alas-5:00 ng umaga hanggang tanghali kahapon.

Nagmistulang lawa ang mga lupang sakahan sa Lobogon habang abot-bewang naman ang baha sa Guinsularan.

Ayon naman kay Peligro, walang nasaktan sa pagbaha na nagsimula nang humupa.

Binaha din ang Barangay Poblacion Sur sa bayan ng Batuan at ang ilang mga rice fields sa Barangay Lungsod-Daan sa bayan naman ng Candijay.

Maulap na kalangitan na may mga pag-ulan naman ang dala ng LPA sa bahagi ng Visayas at Mindanao.