Ilan pang nakatakas na preso sa Tetuan Police Station, patuloy na tinutugis

Ni Jun Cronico
Eagle News Service

ZAMBOANGA CITY —  Patuloy pang tinutugis ng Zamboanga Philippine National Police (PNP) ang mga natitira pang tumakas sa bilangguan mula sa selda ng Tetuan Police Station-6 ng Zamboanga City.

Ang limang preso na pinaghahanap pa rin ay sina Nadzar Hack, Adzmir Ibrahim Diutay, Lexandrous Manug, Adzri Juhuri at si Sulayman Sali.

Pasado alas 3:00 ng madaling araw nitong Martes, April 10, nang tumakas ang 17 preso, kasama ang lima, mula sa selda ng Tetuan Police Station-6 matapos maputol ang pinaka padlocked na bakal gamit ang hacksaw blade.

Ayon kay Supt. Hajiri Langgal, Hepe ng Tetuan police, hindi nakayanan ng dalawang pulis  ang sabay-sabay na paglabas ng mga preso sa selda kahit nag-warning shot na ang mga ito.

Ayon pa kay Ignacio, karamihan sa mga tumakas ay may mga kaso sa pagtutulak at paggamit ng ipinagbabawal na droga o shabu na naaresto sa magkahiwalay na operasyon sa lungsod.

Na-recapture na sina Roger Mark Ragas, Oscar Baguinda, Haibi Samdain, Chuck Tarangda, Jezreel Salazar, Emmanuel Matulac, William Pajarado, Rio de Asis at dalawa pang preso.

Habang dalawa naman ang kusang sumuko sa pulisya.