Hepe ng PNP Mallig, Isabela na namatay sa buy-bust operation, inilibing na

 

Ni Ricky Laggui
Eagle News Service

(Eagle News) — Inilibing na ang namatay na Hepe ng Mallig Police Station na si Chief Insp. Michael Angelo Tubaña kaninang umaga, Hunyo 26 sa Ilagan Memorial Park.

Ginawaran din ito ng Isabela Police Provincial Office ng full military honors, sa pangunguna ni Police Supt. Mariano Rodriguez, ang Provincial Director ng IPPO bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang hepe ng Mallig Police Station.

Si Chief Insp. Tubaña ay nasawi sa isinagawang drug buy-bust operation na kung saan siya mismo ang nanguna sa nasabing operasyon.

Sa kanyang naging talumpati sa ginanap na necrological services bago ilibing ang labi ni Chief Insp. Tubaña ay sinabi ni PSupt. Rodriguez na isang kabayanihan ang ginawa ni Tubaña at aniya ay maging magandang ehemplo ito sa hanay ng kapulisan.

Dumating sa nasabing okasyon ang mga kaklase ng namatay na hepe na mula sa Masaligan Class of 2011 ng PNPA at nagbigay din ng mga pahayag ng pakikiramay at paggunita sa mga naging ambag niya sa kanilang tungkulin bilang opisyal ng kapulisan.