Heavy rainfall warning, itinaas ng PAGASA sa ilang lalawigan sa Visayas bunsod ng easterlies

(Eagle News) – Itinaas ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang heavy rainfall warning sa ilang lalawigan sa Visayas dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan na nararanasan bunsod ng umiiral na easterlies.

Yellow rainfall warning naman ang umiiral sa Leyte, Bohol, Southern Leyte at Cebu partikular sa Metro Cebu, Northern Cebu at Camotes Island.

Ayon sa PAGASA, posibleng makaranas ng pagbaha at landslides sa mga nasabing lugar.

Samantala, maulap na papawirin na mayroong kalat-kalat na pag-ulan ang mararanasan sa Cagayan Valley, Bicol, Eastern at Central Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Davao at mga lalawigan ng Aurora at Quezon.

Sa Metro Manila naman at sa nalalabi pang bahagi ng bansa, localized thunderstorm lamang ang iiral na maaari pa ring magdulot ng kalat-kalat na pag-ulan.