(Eagle News) — Naglabas ang Department Of Environment And Natural Resources (DENR) ng fire safety advisory para sa natural parks at forest sa buong bansa.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, bagamat hindi pa opisyal na idinedeklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration ang panahon ng tag-init ay mahalaga na makapaghanda sa mapinsalang forest fires na madalas na nangyayri tuwing dry season dahil sa mainit na temperatura.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng kalihim sa lahat ng regional offices ng DENR at Sa Forest Management Bureau (FMB) na tiyaking nasa maayos na kondisyon at nakahanda ang mga kagamitan na panglaban sa sunog para may magamit oras na may mangyaring forest fire.
Inatasan din ni Cimatu ang forestry field officials na paigitingin ang kanilang pagpapatrolya sa mga forest area at tiyakin ang kooperasyon ng komunidad para maiwasan ang forest fire.
Paliwanag naman ni Fmb Director Nonito Tamayo, kabilang sa paraan para mapigilan ang pagkalat ng forest fire ay sa pamamagitan ng paglikha ng fire lines.
Ang forest fire aniya ay maaaring magtagal ng ilang araw, linggo o kaya ay buwan kung kaya mahalaga na mabigyan ng kaalaman ang mga komunidad tungkol sa forest fire prevention.
(Eagle News Service Aily Millo)





