Epekto ng bagyong Samuel nararamdam na sa Agusan del Norte; klase sa lahat ng antas suspendido na

(Eagle News) — Suspendido na ang klase sa lahat ng antas sa parehong pambupliko at pribadong paaralan sa Agusan del Norte. Ito ay upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng bawat residente sa maaaring maging banta at dalang panganib ng Bagyong Samuel.

Kasalukuyan nakasailalim sa Signal Number 1 ang buong lalawigan ng Agusan del Norte.

Maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan ang nararanasan ngayon partikular na sa Butuan City.

Samantala, inabisuhan na ng Office of the Civil Defense ang Local Government Units na magpatupad na ng preemptive evacuation sa mga critical areas kabilang na ang mga matataas na lugar na may small scale mining, coastal barangays at mga river channels.

Lahat ng mga lungsod, munisipalidad maging ang mga barangay ay nagpatupad na din ng precautionary measures partikular na sa mga landslide at flood prone areas.

Nakapre-position na din ang rescue assets at nakamonitor pati na ang mga uniform services upang agad na makaresponde sa mga rescue operation. (Eagle News Agusan del Norte Bureau Nova Villafañe)