Epekto ng bagyong Rosita, naramdaman din sa bayan ng Bongabon, Nueva Ecija

(Eagle News) – Alas kwarto pa lamang ng madaling araw (4:00 AM) ngayong Martes, Oktubre 29 ng maramdaman ang mahinang hangin at panaka-nakang pag-ulan dito sa bayan ng Bongabon, subalit pagsapit ng alas-8:30 ng umaga ay biglang lumakas ang ulan na sinabayan din ng malakas na hangin.

Kaya sa kalagayang ito ng panahon at sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyo ay agad namang nag-ikot ang mga kawani ng rescue team ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Bongabon. Ito ay upang masiguro ang kalagayan ng mga kababayan natin sa lugar na ito at para maagapan ang posibleng sakuna na maaaring maidulot ng bagyong Rosita.

Samantala, patuloy na sinusubaybayan ng mga mamamayan sa bayan ng Bongabon ang posibleng pag-apawng mga ilog partikular na ang ilog Bangkeruhan na nag-uugnay sa bayan ng Bongabon at Palayan na maaaring magdulot ng malaking pagbaha kung hindi ito maaagapan ng mga opisyal ng pamahalaan sa bahaging ito ng Nueva Ecija.

Samantala, sa latest forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) bangang 1:30 PM nasa vicinity na ng Sablan, Benguet ang bagyo at binabaybay na nito ang bahagi ng La Union.

(Eagle News Nueva Ecija Bureau Jaime David)