Driver ng ambulansya patay matapos sumalpok sa isang bus

LIANGA, Surigao del Sur (Eagle News) – Dead on arrival ang driver ng isang ambulansya matapos itong sumalpok sa isang bus sa Brgy. Manyayay, Lianga, Surigao del Sur. Kinilala ang biktima na si Alexander Fazon Talibong, 55 taong gulang, residente ng Poblacion, Lianga, Surigao del Sur.

Ayon sa imbestigasyon ng Philippine National Police Lianga, patungong Tandag City ang ambulansya habang ang bus naman na minamaneho ni Dennis Casuco ay papuntang Butuan City.

Lumampas sa kabilang lane ng kalsada ang bus kaya sumalpok ito sa paparating na ambulansya. Wala namang nasaktan sa mga pasaherong sakay ng bus. Kusa ring sumuko ang driver ng bus sa PNP Lianga at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang suspek.

Issay Daylisan – EBC Correspondent, Lianga, Surigao del Sur