DILG sa mga bagong promote na opisyal: Ipatupad nang mahigpit ang environmental laws

MANILA, Philippines (Eagle News) — Nagpaalala si Interior Secretary Eduardo Año sa mga bagong na-promote na opisyal ng ahensya na maging mapagmatyag sa pagsusuri sa mga paglabag sa environmental laws at sa iba pang batas sa kanilang nasasakupan para maiwasan ang krisis na gaya ng kinakaharap ng Boracay.

Ayon kay Año, ang kasalukuyang problema ng Boracay ay isa lamang sintomas pero ang totoo aniyang sakit ay ang implementasyon ng batas.

Ang mga opisyal aniya ay dapat na matuto sa mga nangyayari ngayon sa Boracay para malaman nila kung paano maiwasan ang nasabing problema sa iba pang mga karagatan sa bansa na kilalang tourist destinations.

Nagpaalala rin si Año sa mga local government unit na huwag nang hintayin na mangyari rin ang environmental crisis sa iba pang tourist spots sa bansa gaya ng El Nido, Coron, Siargao at Camiguin.

Bilang mga DILG field official aniya ay kinakailangan ng mga ito na maging mapagmatyag.

Samantala, hinikayat naman ni Environment Secretary Roy Cimatu ang lokal na pamahalaan ng Pagudpud, Ilocos Norte na protektahan ang dagat para maiwasan ang krisis na katulad ng sa Boracay.

Dapat aniyang mahigpit na naipatutupad ang environmental laws partikular ang Clean Water Act at Solid Waste Management Act.

https://youtu.be/1GOmlbor9L8