DILG, irerekomenda sa NDRRMC na isailalim sa state of calamity ang Boracay

(Eagle News) — Irerekomenda na ngayong linggo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang deklarasyon ng state of calamity sa Boracay Island.

Ayon kay DILG Officer in Charge Secretary Eduardo Año, isusumite na nila ang panukala sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Pagkatapos ay ipapasa naman ng NDRRMC ang nasabing rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Pangulong Duterte ang maglalabas ng desisyon na isailalim sa state of calamity ang Boracay para mapabilis ang rehabilitasyon sa kilalang tourist destination sa bansa.

Una nang nabanggit ni Pangulong Duterte na sang-ayon siyang isailalim sa state of calamity ang Boracay.

Matatandaang inatasan din ng Pangulo ang DILG at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na linisin ang Boracay sa loob ng anim na buwan.

Nagbabala rin siya sa mga korte na huwag manghimasok sa ginagawang hakbang ng gobyerno para matugunan ang problema sa Boracay sa pamamagitan nang paglalabas ng temporary restraining order.

Nanawagan din ang Pangulo sa mga may-ari ng establisyimento at lokal na opisyal na makipag-kaisa sa cleanup sa Boracay. Aily Millo