Dating miyembro ng New People’s Army patay sa pananambang

MATI CITY, Davao Oriental (Eagle News) – Patay sa pananambang ang isang dating miyembro ng New People’s Army (NPA) noong Miyerkules.

Kinilala ang nasawi na si Kevin Dave Pagaura, residente ng Calapagan, Lupon.

Ayon sa nag-iisang pasahero ng biktima, paliko na sila gamit ang motorsiklo sa Pising, Brgy. Sainz, Mati City pauwi ng Calapagan nang sumulpot ang isang tao at binaril ang biktima na nagmamaneho.

Hindi naman ito agad tinamaan subalit natumba ang motorsiklo.

Dito na binaril uli ang biktima na tinamaan sa ulo.

Ligtas naman ang pasahero na nagkaroon lamang ng galos sa tuhod.

Ayon sa ama ng biktima, sinabi ng biktima sa kaniya na may napansin itong mga tao na nakasunod lagi sa kaniya na naka-bonnet.

Hiniram umano ng biktima ang jacket ng ama nito para hindi siya makilala.

Inaalam pa ang tunay na motibo ng naturang krimen.  Dan Ruiz, Eagle News Service