Dalawang mangingisdang nawawala sa Zamboanga Sibugay, natagpuang patay

TUNGAWAN, Zamboanga Sibugay (Eagle News) – Tatlong araw matapos na maiulat ang pagkawala ng dalawang mangingisda ay natagpuan na ang mga ito na wala nang buhay sa baybaying bahagi ng Sitio Tando, Brgy. Looc Labuan, Tungawan, Zamboanga Sibugay.

Ayon kay Chief Inspector Chamer Gloria Lacay ng Tungawan PNP, may pito pa na nai-ulat na nawawala.

Ang natagpuang patay ay sina Jose Dasillo Bucoy, 37 years old, may-asawa; at Roel Abad Alimpong, 13 years old, kapwa residente ng Purok Acasia, Brgy. Buluan, Ipil, Zamboanga Sibugay.

Nagtamo ng sugat mula ulo hanggang sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang biktima na naging dahilan ng kanilang kamatayan.

Wala pang ideya ang Tungawan PNP kung ano ang motibo ng mga hindi pa matukoy na salarin para paslangin sa pamamagitan ng taga ang dalawang mangingisda.

Agad namang inilibing ng mga kaanak ang mga labi ng biktima.

Rosaline Ignacio Calme – EBC Correspondent, Zamboanga Sibugay