Dagupan City gov’t, nagkaloob ng libreng sakay kaugnay ng transport strike

Dagupan City PNP mobile patrol, tumulong sa ayuda ng lokal na pamahalaan na libreng sakay sa mga apektado ng transport strike (Photo by N. Dominguez).

DAGUPAN CITY (Eagle News) — Hindi halos naramdaman ang epekto ng transport strike sa lungsod ng Dagupan matapos na magkaloob ng libreng sakay ang city government para sa mga commuters.

Nagsimula kaninang alas sais ng umaga ang pagdeploy ng mga libreng sasakayan sa mga barangay papuntang downtown area upang ihatid ang mga pasahero at vice versa.

Ayon kay Gabriel Cardinoza, city information officer, labing isang mga sasakyan ng city government ang ideneploy upang umayuda sa mga commuters na apektado ng nationwide transport strike.

Ayon kay Dagupan City Mayor Brian Lim, hindi na rin sinuspende ang klase ng mga mag-aaral sa lungsod at nagkaloob na lamang ng masasakyan sa mga papasok na mag-aaral.

Ayon sa alkalde, maraming araw na ang nasayang sa pasok ng mga mag-aaral dahil sa mga sunud-sunod na class suspension dulot ng mga pag-ulan at pagbaha. Kaya minarapat na lamang na ideploy ang mga behikulo ng city government.

Umayuda rin ng libreng sakay ang Dagupan City Police gamit ang mobile patrol ng PNP.

Ayon kay Lim, mananatiling nakadeploy ang mga sasakyan ng city government hangga’t hindi bumabalik sa normal ang pamamasada ng mga transport group sa lungsod.

Naging maluwag naman ang daloy ng trapiko sa Dagupan dahil sa mangilanngilang jeepney na pumasada ngayong araw. (Nora Dominguez)