Comelec, hindi na magbibigay ng palugit sa mga huling maghahain ng CoC para sa barangay at SK elections

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Pagpatak ng alas singko ng hapon (5:00 PM) sa Biyernes, Abril 20, ang cut-off para sa pagtanggap ng mga certificate of candidacy ng mga tatakbo sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), hindi na sila magbibigay ng anumang palugit sa CoC filing.

Mula nang umarangkada ang paghahain ng CoC, pumalo na sa mahigit 200,000 kakandidatong barangay officials ang nagpatala na sa Comelec habang nasa mahigit 79,000 ang mula sa SK.

Inihang COCs, daraan sa evaluation

Matapos ang filing, dadalhin sa Comelec main office sa Maynila ang mga CoC para sa evaluation na aabutin umano ng dalawang linggo bago makapaglabas ng opisyal na listahan ng mga kandidato.

Sa usapin ng panawagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsumite ng resume ang mga interesadong barangay candidates na paraan upang makilatis ang mga ito — sinabi ng Comelec na ito’y optional lamang.

Maliban rito, ipinapaubaya na rin ng Comelec sa DILG ang pagsasampa ng kaso sa mga tatakbong barangay official sa harap na rin ng panawagang ilabas ang drug list ng mga opisyal ng barangay na umano’y sangkot sa iligal na droga.

Sang-ayon si dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal sa naturang mungkahi pero iginiit na dapat agad isampa sa korte ang kaso.

Sa kauna-unahang pagkakataon, susumpa ang mga kandidato sa kanilang CoC na hindi lalabagin ang probisyon ng anti-political dynasty na nakapaloob sa SK reform law.

Kung sakali namang daw na magsinungaling ang isang kandidato sa naturang probisyon, hindi ito papayagan na tumakbo sa eleksyon.

May dalawang taon lamang ang termino ng mga mananalo sa barangay elections.

Samantala, pinaplantsa na ng Comelec ang kasunduan nito sa Department of Education (DepEd) ukol sa deployment ng mahigit anim na raang libong guro na tatayong Board of Election Inspectors.

May contingency plans raw ang Comelec kung sakaling hindi magpakita o magreport sa serbisyo ang mga BEI.

https://youtu.be/go_SID1akZU