Benguet, nagpatupad ng temporary lockdown sa pagpasok ng live hogs dahil sa banta ng ASF

https://youtu.be/UkfKE-16btY

Ni Freddie Rulloda
Eagle News Service correspondent(Northern Luzon)

BENGUET (Eagle News) — Bawal nang pumasok ang anumang live hog o pig dealers sa lalawigan ng Benguet dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF) upang maiwasan ang pagkahawa ng mga alagang baboy sa lalawigan.

Sa ipinalabas na Executive Order 2020-018 ni Benguet Governor Melchor Diclas, inilatag dito ang proseso para sa implementasyon ng temporary lockdown sa pagpasok ng mga buhay na baboy sa lalawigan matapos ang mga panibagong kaso ng ASF sa ilang rehiyon sa bansa.

Ayon kay Gov. Diclas, ang deklarasyon ng temporary lockdown ay isang hakbang ng pamahalaang panlalawigan, na mahigpit ding ipinatutupad ang provincial government ordinance 18- 227, o mas kilala bilang “Animal Quarantine Regulation of Benguet.”

Sa ordinansang ito ay hihigpitan ang pagpasok ng live hogs sa lalawigan lalo na’t apektado na ng ASF ang mga kalapit na rehiyon na pinagkukunan ng kakataying baboy. Ito ay ang Regions 1, 2, 3, 4 at National Capital Region.

Ayon pa kay Gov. Diclas, lubha nang nakaka-alarma ang mga pangyayaring ito kaya’t nagsagawa sila ng paghihigpit o lockdown sa lalawigan upang di mahawa ang mga baboy sa Benguet.

Natuklasan rin ng mga otoridad ang mga paraan ng paglusot ng ilang dealers, tulad ng paggamit ng pribadong sasakyan para makaiwas sa sita at checkpoints.

May ilan din namang gumagamit ng mga pekeng dokumento, at fake ASF negative test results, pati na rin ng misdeclaration of sources para mailusot ang mga ibinabyaheng mga baboy.