Bayan ng Iba sa lalawigan ng Zambales, nananatiling ASF-free

Ilang mga karne ng baboy na itinitinda sa pamilihang bayan ng Iba, Zambales. (Photo by Tina Abrigo)

IBA, Zambales (Eagle News) – Nananatiling walang kaso ng African Swine Fever (ASF) ang bayan ng Iba, sa lalawigan ng Zambales.

Ito ang tiniyak ni Municipal Agriculturist Eden Tabua at Municipal Meat Inspector Robert Soberano, matapos kumalat  ang ulat na diumano’y may namatay na baboy dahil sa ASF sa Brgy. Sta. Barbara na sakop ng bayan.

Ayon din kay Meat Inspector Reylem Esposo, mahigpit nilang ipinatutupad sa mga meat vendors sa kanilang bayan na ang lahat ng kanilang ititindang karne ng baboy ay locally produced o hindi inangkat mula sa ibang lugar.

Aniya, mahigpit  din nilang iniinspeksiyon ang mga karne at may Meat Inspection Certificate (MIC) bago dalhin sa pamilihang bayan.

Samantala, nagpatawag naman ng pagpupulong ang mga lokal na opisyal upang tiyakin sa mga meat vendors na ang bayan ng Iba ay nananatiling ASF-free. (Jo Celyn, Tina Abrigo, Alvir delos Santos, Eagle News  Service Correspondents)