Bangkay ng lalaki, nakitang palutang-lutang sa karagatan ng Uson, Masbate

USON, Masbate (Eagle News) – Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang nakitang palutang lutang sa karagatan ng Masbate nitong nakaraan.

Ayon sa salaysay ni Brgy. Captain Mateo Bayaga, nakita niya ang biktima na palutang-lutang malapit sa kaniyang baklad sa Brgy. Poblacion, Uson.

Agad niya itong ipinaalam sa mga awtoridad.

Tinataya ng may edad itong 25-30, may taas na halos 5’3,” naka maong pants, at naka-polo shirt, katamtaman ang pangangatawan at gupit ng buhok, at kayumanggi ang kulay ng balat.

Walang nakitang tama ng bala o saksak sa katawan nito ngunit halos basag ang mukha ng biktima.

Namamaga din ang kaniyang leeg at dibdib at hindi pa gaanong nabubulok ang bangkay .

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad tungkol sa impormasyon at pagkkakilanlan sa biktima.

Alfred Nuevo at Shiela Judal  – EBC Correspondent, Masbate