Assistant City Engineer sa Calbayog City Engineering Office, patay sa pamamaril

Ang pinangyarihan ng krimen kung saan binaril ang biktimang si Rafaelito Serrano, Calbayog City Assistant Engineer/Calbayog City PNP/

CALBAYOG CITY, Samar (Eagle News) – Patay ang assistant city engineer ng Calbayog City matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilang mga suspek nitong Martes, Agosto 7.

Kinilala ang biktima na si Rafaelito Serrano alyas “Joker.”

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, si Serrano ay nagmamaneho ng kaniyang motor nang barilin ito sa ulo ng mga suspek bandang 8:20 ng umaga sa Navarro St., Brgy. East Awang.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero dineklara na itong dead-on-arrival bandang 8:55 ng umaga.

Nakakuha naman ng CCTV footage ang mga imbestigador kung saan makikita ang pagsunod ng dalawang suspek kay Serrano.

Ang driver ay nakasuot ng pulang polo, may suot na mask habang ang shooter naman ay nakaputing cap at t-shirt.

Makikita rin ang pag-overtake ng mga suspek sa isang tricycle at hindi katagalan ay nagkagulo na, indikasyon na binaril na ang biktima.

Matapos ang krimen ay agad na tumakas ang mga suspek patungong Magsaysay Boulevard.

Dinala sa punerarya si Serrano para sa autopsy. Miriam Timan