(Eagle News) — Tuloy naman ang opensiba ng militar laban sa mga grupong terorista at komunista sa bansa kahit na holiday season.
Sinabi ni 6th Infantry Division Commander, Major Gen. Cirilito Sobejana na sapat ang kanilang mga tauhan bagaman ang ilan ay pinayagan munang makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay ngayong holiday season.
Kailangan aniya nilang maging handa makaraang tumanggap ng banta ng pag-atake ang ilang lugar sa Mindanao region.
Kinabibilangan ito ng Cotabato City, Tacurong City, Kabacan at Midsayap kung saan ay nakapwesto na rin ang dagdag na mga tauhan ng militar.
Sinabi pa ng opisyal hindi na nila papayagang maulit ang naganap na pagdukot sa ilang tauhan ng militar at CAFGU sa Agusan Del Sur kamakailan.
Umapela rin si Sobejana sa publiko na makipag-ugnayan sa pulis at sa militar kapag may nakitang silang mga kahina-hinalang grupo sa kani-kanilang mga lugar.





