Abogado ni Matobato sa Davao, umatras

DAVAO CITY (Eagle News) – Umatras na si Atty. Gregorio Andolana bilang abogado ni self-confessed member Davao Death Squad (DDS) Edgar Matobato. Matatandaan na nagpresinta si Andolana bilang abogado ni Matobato para sa illegal possession of firearms and ammunition na ikinaso sa kaniya noong Hunyo 2014.

Noong Martes, October 4, 2016, naglabas na ng Warrant of Arrest si Judge Silverio Mandalupe sa Davao City laban kay Matobato dahil sa hindi pagsipot sa mga itinakdang arraignment nito.

Ayon sa isang empleyado ng Municipal Trial Court in Cities (MTCC) Branch 3, nagpadala umano ng mosyon si Atty. Andolana sa korte na dumating din noong Martes, October 4, 2016. Nais na umanong bitawan ni Atty. Andolana ang pagdepensa sa kaso ni Matobato. Ayon sa mosyon, matagal na umanong hindi nakaka-usap ni Andolana si Matobato mula ng nalagay ito sa Witness Protection Program ng Department of Justice (DOJ).

Ang nasabing mosyon ni Andolana ay kailangan pa umanong maghintay ng approval mula sa korte at ganon din ang korte ay nangangailangan ng pahintulot mula kay Matobato.

Haydee Jipolan – EBC Correspondent, Davao City