(Eagle News) — Pinag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) na isailalim sa kanilang kontrol ang bayan ng Daraga sa Albay.
Kasunod ito nang pagpatay kay AKO Bicol Party-List Rep. Rodel Batocabe at police escort nito sa Daraga.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, dahil hindi parin nahuhuli hanggang ngayon ang nasa likod ng pamamaslang kay Batocabe ay balot ng pangamba ang mga taga-Daraga.
Nabatid na mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte at opisyal ng Comelec sa Daraga ang nagrekomenda na ilagay sa Comelec control ang nasabing bayan.
Matatandaang si Batocabe at kanyang security aide ay pinatay nitong Sabado matapos ang isang gift giving activity sa mga senior citizen sa Daraga.
Sa ilalim ng Comelec control, ang isang lugar ay ilalagay sa direktang superbisyon at kontrol ng poll body.
Layunin nito na maiwasan ang mainit na political rivalries sa lugar at matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng nalalapit na halalan.
Sakali namang magdesisyon ang Comelec na ilagay sa kanilang control ang Daraga ay magiging epektibo ito sa Enero 13, na simula ng election period para sa may 2019 midterm elections.
https://youtu.be/41QzeFooBy0





