DENR isasailalim na rin sa rehabilitasyon ang Baguio City

(Eagle News) – Ang Baguio City ay isa sa mga dinarayong tourist spots sa bahagi ng Norte.

Dahil dito, target na rin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na isailalim na rin sa rehabilitasyon ang Baguio City.

Ito ay sa harap na rin ng mga problema patungkol sa geohazard at mabigat na daloy ng trapiko sa lungsod.

“Meron pong study na 70 percent ng lugar diyan sa Baguio po, sa Benguet, ay geo-hazard kung kaya’t immediately iyan ang bibigyan natin ng concern at hindi na po natin hahayaan mangyari ulti ‘yung dating nangyari, iyong Hyatt tragedy,”ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda.

Ayon pa kay Antiporda, isusunod nila ang Baguio pagkatapos ng rehabilitasyon ng Boracay, Palawan at Bohol.

Aniya, karamihan sa mga lupa sa Baguio ay saturated at maraming bitak-bitak.

Ikinukunsidera na rin ang paggamit ng electric vehicles sa lungsod dahil sa problema ng polusyon sa hangin.

“Habang may tiwala ang tao, gagawin natin lahat para po ang tao mismo ay magising at magkaroon ng awareness,” pahayag ng opisyal.