Mga bahay o gusaling may illegal sewage lines sa Boracay, ipapasara – DENR

(Eagle News) — Sa pagsisimula ng closure ng Boracay Island, nagbabala si Environment Secretary Roy Cimatu na isasara ang mga establisyimento na iligal na nakakonekta ang kanilang sewage lines sa rainwater drainage system ng isla na direktang napupunta sa dagat.

Ayon kay Cimatu, dismayado siya dahil may ilang establisyimento pa rin ang patuloy na bigong kumonekta sa sewer lines ng Boracay Island Water Company at Boracay Tubi Systems Inc., sa kabila nang mga paalala sa kanila sa pamamagitan ng mga ibinigay na notices of violations ng Environmental Management Bureau (EMB) nitong Pebrero.

Halos dalawang buwan na aniya ang nakalipas pero tila wala aniyang konsensya ang mga nasabing establisyimento na aksyunan ang mga paglabag.

Dagdag pa ni Cimatu, hindi na siya magdadalawang-isip na kanselahin ang discharge permit at iiba pang environment-related clearances na ibinigay sa nasabing mga establisyimento kung mabibigo pa rin sila na gumawa ng hakbang para tugunan ang kanilang mga paglabag.

Natanggap na aniya ng ahensya ang listahan ng mga nadiskubreng illegal sewer connections sa isinagawang pakikipagpulong kasama si Aklan Governor Florencio Miraflores at mga opisyal mula sa DENR at Department of Public Works and Highways.

Ang mga establisyimento aniya sa Boracay na nagpapakawala ng maruming tubig direkta sa dagat o iligal na naka-konekta sa drainage system ay malaki ang naiaambag na polusyon sa tubig na dahilan kung bakit pansamantala munang isasara sang isla. Aily Millo