Ni Anne Ramos
Eagle News Service
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (Eagle News) – Nagmistulang swimming pool ang ilang bahagi ng Puerto Princesa City dahil sa mga pagbaha ng mga lansangan doon dulot ng malakas na ulan dahil sa bagyong Urduja.
Halos hindi na madaanan ng mga sasakyan ang ilang kalye sa Barangay San Jose at Barangay Tiniguiban dahil sa mataas na tubig.
Sa Barangay Irawan naman ay aabot hanggang bewang ang tubig baha.
May mga naiulat ding inilikas sa mga shore area ng El Nido dahil sa mataas na tubig at malakas na alon na nararanasan sa kasalukuyan.
Naiulat din doon ang pagkasira ng isang pangturistang bangka na malaking halaga umano ang ginastos upang maipagawa.
Ayon sa kapitan nito na si Avelino Montelibano, bagamat tiniyak niya na nakataling mabuti sa bouya ang bangka ay napatid pa din ito bunga ng malakas na hangin at malaking alon kung kaya napadpad ito sa pampang at sumalpok sa isang konkretong gusali na nasa dalampasigan na dahilan para masira ang mga ito.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa din ang malakas na hangin at may mga pabugso-bugsong mga pag-ulan pa na nararanasan sa ilang bahagi ng lalawigan.
Kanselado din ang mga klase sa paaralan mula elementarya hanggang kolehiyo at maging ang mga biyaheng pangdagat at panghimpapawid ay kanselado din.








