IBA, Zambales — Isinagawa sa kauna-unahang pagkakataon sa lalawigan ng Zambales ang Federalism Forum 2016. Ginanap ito sa Ramon Magsaysay Technological University o RMTU sa bayan ng Iba, Zambales.
Naging panauhing pandangal ang dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel, Jr., upang talakayin ang temang ‘The Philippine Government in Trasition to Federalism Progress Trough Self-sustainability and Regional Empowerment’. Inilahad ni Pimentel sa harap ng mga guro, mag-aaral, magulang, at iba’t-ibang organisasyon ang kagandahan umano ng federalismo ng bansa at ang mabuting idudulot nito sa mamamayang Pilipino.
Ayon sa dating Senador, sa ilalim ng federalismo, magiging 11 estado ang Pilipinas na may Full Autonomy sa paggamit ng kanilang sariling resources. Kung mayroon mang mahirap na estado ay pahihiramin umano ito ng pondo mula sa 20% mandatory contribution ng lahat ng Federal State.
Matatandaang ang ganitong Sistema ng Gobyerno ang siya mismong pinapanukala ng incoming President Rodrigo Duterte. Samantala, labis na ikinatuwa ng mga dumalo sa forum ang mga narinig nilang paliwanag at sagot sa kanilang mga katanungan kaya’t nagpahayag sila ng suporta sa proposal na ito ng dating Senador.
(Eagle News, Reymond Barron – Zambales Correspondent)