49 pulis, idineploy para sa seguridad ng BOL plebiscite

(Eagle News) — Nagpadala ng apatnaput-siyam na pulis ang Misamis Occidental Provincial Police Office sa Lanao del Norte kaugnay ng ikalawang plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law.

Ang send-off ceremony ay pinangunahan nina Police Senior Supt. Danilo Tumanda, acting director ng Misamis Occidental Provincial Police Office at Police Supt. Lemuel Gonda, commander ng 1st Provincial Mobile Force Company.

Ang nasabing mga pulis ay tutulong sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa anim na mga munisipalidad sa Lanao del Norte.

Kabilang dito ang mga bayan ng Baloi, Munai, Nunungan, Pantar, Tagoloan at Tangkal na ikinukunsiderang maisama sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ang deployment ng mga tropa na pinamumunuan ni Police Inspector Ricky Pinonggan ay bahagi pa rin ng hakbang ng Philippine National Police na paigtingin ang seguridad sa panahon ng plebisito.

Una rito’y nagpadala na ng augmentation force ang kapulisan mula sa Region 7, Region 13 at sa iba pang bahagi ng Region 10.

Mananatili ang ipinadalang mga pulis sa lanao del norte hanggang mailabas ang pinal na resulta ng botohan.