25th Siargao Int’l Surfing Cup, matagumpay na sinimulan

Mga surfing enthusiasts at mga residente ng Siargao na kabilang sa mga sumaksi sa pagsisimula ng 25th International Surfing Cup sa Siargao, Surigao del Norte. (Photo by Jabes A. Juanite)

by Jabes A. Juanite
Eagle News Service

SIARGAO, Surigao del Norte (Eagle News) – Matagumpay na sinimulan ang 25th International Surfing Cup sa  Siargao, Surigao del Norte sa pangunguna ng lokal na pamahalaan at World Surfing League (WSL) Asia noong Sabado, Oktubre 5.

Pormal na sinimulan ang kompetisyon sa pamamagitan ng ceremonial breaking ng surfboard na pinangunahan ng mga local government officials at ng WSL na siyang namamahala sa aktibidad na ito ngayong taon.

Ang nasabing torneo ay nilahukan ng mahigit 60 na mahuhusay na mga surfers mula sa iba’t ibang bansa. Kabilang sa mga kalahok ay mula sa Australia, Argentina, New Zealand, Venezuela, Israel, USA, Hawaii, Brazil, Japan, Philippines, France and Sweden.

Personal na dinaluhan ni Department of Tourism Region 4A Director Jeff Ramos Ortega ang pagsisimula ng kompetisyon.  Aniya, excited siyang ibahagi ang maraming plano ng ahensya, isa na rito ang pag-recognize ng surfing bilang isang major tourism product sa bansa.

Dagdag pa niya, kasalukuyang dinidevelop ng DOT na ang surfing ay gawing major activity para maka provide ng economic opportunity sa lokal na komunidad at makatulong na makalikha ng kamalayan para maipraktis ang responsible at sustainable tourism.

Ayon naman kay Siargao Representative Bingo Matugas, ang 25th edition ng  tournament ay tribute kay dating General Luna mayor Jaime Rusillon, na siyang kinikilala nila na “father of surfing” ng Siargao. Si Rusillon ay namatay  noong Abril nitong taon.

Ang kompetisyon ay inaasahang magtatapos  sa Oktubre 9.

https://www.youtube.com/watch?v=123PSyDT5So