2 miyembro ng BIFF, patay sa operasyon ng militar at pulisya sa Maguindanao

Eagle News – Patay ang isang opisyal ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at kasamahan nito sa operasyon ng pinagsanib na puwersa ng militar, Maguindanao PNP at CIDG-ARMM. Kinilala ang mga napatay na sina Raul Angkay, Medical Officer ng BIFF at Edz Angkay Dalending.

Ayon kay 6th Infantry (KAMPILAN) Division Public Affairs Chief, Captain Arvin Encinas, nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad laban sa mga suspek sa kuta ng mga ito sa barangay Labu-Labu sa bayan ng Shariff Aguak. Pero nanlaban umano sina Angkay at Dalending kaya nagkaputukan na nagresulta ng pagkasawi ng mga ito.

Narekober sa mga rebelde ang isang kalibre .45 na pistola, granada, anim na cellphone at mga bala. Ang pag-aresto sana sa mga suspek ay alinsunod sa kautusan ng Department of National Defense (DND) dahil sa rebelyon.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang Law Enforcement Operation ng militar at pulisya laban sa BIFF sa Maguindanao.

https://youtu.be/9O1X29QMYAQ