2 katao patay sa pananalasa ng bagyong “Agaton” sa Visayas

(Eagle News) – Dalawa na ang naitalang patay sanhi ng pananalasa ng bagyong “Agaton” sa Visayas.

Nasawi sa landslide ang biktimang si Flora Basadre, 64 taong gulang, matapos na matabunan ng lupa at putik ang kanilang tahanan sa kasagsagan ng pag-ulan sa Brgy. Looc, Malabuyoc, Cebu.

Samantala, isinisisi rin sa bagyo ang pagkamatay ng 39 anyos na lalake na nabagok ang ulo matapos tumalon sa bintana ng kanilang bahay sa sobrang pagkataranta sa gitna ng malakas na pag-ulan dulot ng bagyo.

Nasa 623 na pamilya naman ang inilikas na dahil sa pagbaha na dulot ng bagyong Agaton sa southern Cebu.

Nitong nakalipas na araw, hinagupit ng malalakas na ulan ang Cebu, Bohol, Leyte, Southern Leyte, Eastern Samar at Northern Samar.

 

https://www.youtube.com/watch?v=yvfnaZcCmqA&feature=youtu.be