2 katao arestado sa pagbebenta ng pekeng TIN cards sa Pangasinan

Mga pekeng TIN cards na nakuha ng mga otoridad sa mga suspek sa isinagawang entrapment operation sa isang mall sa Urdaneta City, Pangasinan. (Photo courtesy: BIR Region 1, Regional Intelligence Division)

URDANETA CITY, Pangasinan (Eagle News) — Arestado ang dalawang katao sa entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Internal Revenue at Pangasinan Police Provincial Office sa loob ng isang mall sa Urdaneta City dahil sa pagbebenta ng pekeng Taxpayer Identification Number (TIN) cards.

Ayon kay Ted Paragas, Chief ng Regional Intelligence Division ng BIR Region 1, ang mga nadakip ay nakilalang sina Melanie Joy Zarraga y Orpilla, 21 anyos, taga Brgy. Calaoagan at Mary Charmaine Orpilla y Expression, 26, taga Brgy. Talogtog, parehong sa bayan ng Laoac.

Nabawi ng mga otoridad sa mga suspek ang 63 pekeng TIN cards na aktong ibinebenta ng dalawang suspek sa nagpanggap na buyer.

Ayon kay Paragas, bago nadakip ang mga suspek ay nakatanggap ng reklamo ang BIR Urdaneta mula sa mga nakabili ng nasabing pekeng TIN cards.

Bunsod nito ay nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang Pangasinan PPO at BIR RID at isinagawa ang test buy kung saan nagpositibo ang dalawa sa pagbebenta ng nasabing pekeng ID cards sa online.

Ayon sa imbestigasyon ng BIR, ibinebenta ng mga suspek ang bawat fake TIN card  sa halagang P250-P280.

Isang accountable form ang BIR TIN card at maaring maharap sa kasong unlawful pursuit of business at using fake accountable forms na nakapaloob sa section 258 at 257 ng National Internal Revenue Code of 1997 ang sinumang nagbebenta at gagamit ng pekeng TIN card at ito ay may karampatang multa na P50,000 hanggang P100,000 at pagkakakulong ng dalawa hanggang anim na taon ayon kay Paragas.

Nanawagan  sa publiko ang tanggapan ng BIR Region 1 na lumantad at magreport sa BIR at PNP ang iba pang mga nakabili ng nasabing pekeng cards at huwag itong gamitin upang hindi makasuhan ng parehong paglabag.

Sa imbestigasyon ng BIR, napag-alaman na nationwide ang transaksyon ng dalawang suspek at lumalabas na reseller lamang ang mga ito at mayroon silang supplier at online lahat ng transaksyon.

Nakipag-ugnayan na rin ang BIR RID sa National Office upang masugpo ang talamak na bentahan ng grupo ng suspek ng mga pekeng TIN cards. (Nora Dominguez, Eagle News Service Correspondent)