1,500 pamilya nakinabang sa inilunsad na Water Connect sa Laguna

LAGUNA (Eagle News) — Sa pagtutulungan ng Manila Water Philippine Ventures,  (MWPV) water.org. at Waterlinks ay tinatayang 1,500 na maralitang pamilya ang ikokonekta sa linya ng tubig ng Laguna Water upang makatanggap ng malinis at ligtas na tubig sa kanilang mga tahanan sa buong lalawigan ng Laguna.

Ang proyektong ito na tinawag na Water Connect na pasisimulan sa Laguna ay naglalayong suportahan ang mga pamilyang Pilipino na salat sa kakayanang makakuha ng malinis na tubig.

Ang proyekto ay pinangunahan ng MWPV, water.org, at Waterlinks na mga eksperto sa industriya ng tubig.

Ang MWPV ay isang sangay ng Manila Water Company na tumutugon sa mga pangangailangan sa suplay ng tubig at tamang pamamahala sa gamit na tubig sa mga lugar sa labas ng Metro Manila.

Samantala, ang water.org ay isang internastional organization na nakapagbigay-daan sa pagtanggap ng ligtas at malinis na tubig ng mahigit limang milyong tao.

Ang Waterlinks naman ay tumutulong na pag-ugnayin ang iba’t ibang mga kumpanya at organisasyon upang mapabilis at mapa-lawak ang pagkakaroon ng serbisyong patubig at sanitasyon sa rehiyon ng Asia Pacific. Aanyayahan din ang mga microfinance institutions upang magbigay ng dagdag na tulong sa mga pamilyang nais maging bahagi ng naturang proyekto.

(Eagle News Correspondent Wilson Pallima)

 

https://youtu.be/U04OJJ0Ds8g