11 magsasaka sa Surigao del Norte, binigyang pagkilala

Mga magsasaka sa Surigao del Norte na tumanggap ng Outstanding Gawad Saka Organic Agriculture Achievers Award, sa pangunguna ng ilang government officials. (Photo by Jabes A. Juanite)

 

SURIGAO CITY (Eagle News) – Labing-isang magsasaka na nagmula sa iba’t-ibang munisipyo sa Surigao del Norte ay tumanggap ng pagkilala mula sa Pamahalaang Panlalawigan.

Kasabay sa isinagawang Monday Morning Sharing sa provincial convention center, ipinamahagi sa nasabing mga magsasaka ang Outstanding Gawad Saka Organic Agriculture Achievers Award.

Kabilang sa mga award na tinanggap ay ang Rice Based Farming, Vegetable Farming, Organic Certified Milling at Rural Women in Agriculture.

Ang mga awardees ay nagmula sa mga munisipyo ng Burgos, Socorro, Placer at Alegria na sakop ng lalawigan.

Binigyan din sila ng provincial government ng cash incentives para masuklian ang kanilang pagpapahalaga sa organic farming na proyekto ng LGU.

Muling nanawagan sa publiko ang pamahalaang panlalawigan na bigyang pansin ang kahalagahan ng organic farming dahil ito ay magandang proyekto at makatutulong na rin sa kalusugan ng bawat Pilipino. (Jabes A. Juanite, Eagle News Service Correspondent)