10-wheeler truck na may kargang feeds bumangga sa isang punerarya; 4 katao sugatan

(Eagle News) — Sugatan ang apat na katao kabilang na ang pahinante at driver ng ten-wheeler truck na may kargang feeds matapos bumangga sa bakod ng isang punerarya sa Roman Highway Barangay Mt. View sa bayan ng Mariveles, Bataan nitong Martes, Enero 8.

Sa lakas ng pagkakabangga ng ten-wheeler truck na may plakang CXS-143 ay naipit ang driver nito na kinilalang si Andrew Santos.

Ang pahinante naman nito ay kinilalang si Renato Adrian Rosales pawang residente ng Hagonoy, Bulacan.
Agad namang rumisponde ang Mariveles Rescue Medics, BFP, MDRRMO-PENELCO at PNP sa nasabing insidente.

Hindi naman naging madali para sa rescuers ang pagtanggal sa pagkakaipit ng driver.

Matapos marescrue ay agad naman dinala ang driver at pahinante kabilang na ang isa pang nadamay sa aksidente sa ospital upang lapatan ng paunang lunas.

Tumanggi namang magpadala sa pagamutan ang isa pang nadamay na nagtamo din ng minor injury.

Wala namang malubhang nasaktan sa nasabing insidente at inaalam pa ng mga otoridad ang halaga ng pinsala at nahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in physical injuries at damage to property ang driver ng ten wheeler truck. (Eagle News Bataan Bureau Larry Biscocho)