1 sundalo sugatan, mahigit 70 pamilya ang inilikas sa bakbakan ng militar at NPA sa Sarangani

(Eagle News) — Isang sundalo ang nasugatan sa naging bakbakan sa pagitan ng militar at New People’s Army (NPA) sa Alabel, Sarangani.

Hindi pa naman tiyak kung may nasugatan sa panig ng NPA.

Sinabi ni 1st Lt. Daryll Cansancio ng 73rd Infantry Battalion, plano ng komunistang grupo na mangikil sa barangay Tokawal.

Noong nakalipas na linggo pa aniya nila binabantayan ang kilos ng Front Committee 71.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang improvised explosive device at iba pang gamit ng grupo.

Kinailangan namang ilikas ang pitumpu’t dalawang (72) pamilya, kung saan labindalawa ang nailigtas matapos maipit sa engkwentro.