Reporter nakatanggap ng death threat matapos tumestigo sa Sereno impeachment hearing

Manila Times reporter Jomar Canlas testifying during a hearing on the impeachment complaint against Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno at the House committee on justice on November 27, 2017. (Eagle News Service)

 

By Moira Encina
Eagle News Service

(Eagle News) — Ilang araw matapos na humarap sa impeachment hearing laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kamara , nakatanggap ng death threat diumano ang Manila Times reporter na si Jomar Canlas.

Ayon kay Canlas, noong December 1, Biyernes, dalawang beses siyang nakatanggap ng parehong text message kung saan pinagbabantaan na siya ay papatayin.

Batay sa text message, tatlo raw silang papatay kay Canlas.

Marami na raw kasalanan si Canlas sa nagpadala ng mensahe kaya dapat na raw itong magpaalam na sa kanyang asawa at mga anak.

Sinabi pa sa text na hindi raw ito pananakot kundi talagang papatayin nila ang reporter.

Ganito ang text message diumano na natanggap ni Canlas: “P****** mo Jomar Canlas, 3 kami ang papatay syo, marami ka na kasalanan sa amin, magbilin ka na sa asawa mo at anak mo, bago ka mamatay. Hdi to pananakot, ds time, talagang patay ka jomar.”

Kaugnay nito, nagtungo sa Manila Police District si Canlas para magpa-blotter at threat assessment.

Ang mga isinulat ni Canlas sa dyaryo kaugnay kay Sereno ang ilan sa mga pinagbatayan ng inihaing impeachment complaint ni Atty. Lorenzon Gadon laban sa punong mahistrado.

Isa sa mga ito ay ang pagmaneobra raw ni Sereno sa temporary restraining order (TRO) sa petisyon ng Senior Citizens Partylist laban sa disqualification na ipinataw sa kanila ng Commission on Elections (COMELEC) noong 2013 Election.

Gayundin ang psychiatrict test ni Sereno nang siya ay mag-apply sa pagka-Chief Justice at hindi pagdideklara nito sa Statement of Assets and Liabilities and Net Worth (SALN) ng kanyang kinita sa Philippine International Air Terminals Co. Inc. (PIATCO) case.